KAMPUHAN - May 22, 2009

Bakit kailangang may masaktan at gamitan ng kapangyarihan? Pwede bang pagbigyan na! –Yan ang ilan sa mga reaksyon matapos naming masaksihan ang dispersal na naganap sa Kampuhan ng mga Magsasaka sa Batasan noong nakaraang biyernes, May 22, 2009.

Bandang alas nueve ng umaga nang makarating kami sa kampuhan ng mga magsasaka sa harap ng House of Representatives, sa tapat ng Batasan Complex, Q.C. Kalmado ang mga tao doon, kami ay tinanggap ng maayos at pinayagan kaming makipagkaisa sa kanila. Doon ay nakilala namin si Mimay, nasa 5-6 na taon ang kanyang edad. Siya ay taga Batangas, isang batang mula sa kanayunan na ang kabuhayan ay nasa pagsasaka at pangingisda. Kabilang ang kanyang pamilya sa mga nagsakripisyong umalis sa kani-kanilang tahanan para maisakatuparan ang hinihiling na GARB. Ito ang House Bill # 3059: Genuine Agrarian Reform (GARB). Ilan sa mga layunin ay basagin ang monopolyo sa lupa at kontrol sa lupa ng mga PML at dayuhan,libreng pamamahagi sa lupa at pawiin ang lahat ng pagsasamantala sa kanayunan
at, pataasin ang produktibidad at kita ng magsasaka. (www.kilusangmagbubukid.org).

Kasama sa aming pakikipagkaisa ang pagbibigay ng pangunahing ideya na nauukol sa “Automated Election System”. Layunin namin bilang mga estudyante sa larangan ng IT na maibahagi sa mga magsasaka ang proseso sa AES sa darating na 2010. Ang bawat isa sa amin ay naghanda ng simpleng presentasyon upang maipaliwanag namin ito ng malinaw at epektibo. Ngunit, bandang alas dose ng tanghali, dumating ang mga pulis, doon ay pinaalis ang mga magsasaka. Sa umpisa ay maayos ang pakikipag-usap nila kay G. Danilo Ramos(Sec. Gen ng KMP). Na lilipat o pag-iisahin na lamang sa isang lugar ang kampuhan. Maayos, Malinaw at Mapayapa. Ngunit bigla na lamang lumabas ang kulang kulang trentang awtoridad mula sa House of Representatives, may mga dalang truncheon at pamalo. Tila isa sa mga nakikita kong larawan sa pahayagan, o kaya na may balita sa telebisyon. Maya maya pa’y nadagdagan na ang mga kapulisan, may dumating din na fire truck. Doon ay magsisismula na ang gulo na saliwat sa naunang maayos na pag-uusap. Kinorner ang mga magsasaka, binomba at pinagpapalo pa. Walang awa na sinira ang mga kagamitan na daan sa kanilang karapatan sa “malayang pagpapahayag”. Maging ang organisadong larawan at artikulo ng namayapang Rep. Crispin Beltran ay walang galang na pinagsisira.

Ilang metro mula sa pinagyayarihan ng dispersal ay naroon kaming mga estudyanteng walang magawa kundi panoorin ang kaawa-awang grupo ng mga magsasaka na pilit binubuwag ng mga makapangyarihan. Pinaghalong galit at lungkot na kung bakit kung sino pa ang nagpapagod para mapakain ang bansa, sila pa ang pinagdadamutan, sila pa ang inaapi. Sapat na ang aming nasaksihan. Nakabuo kami ng sari sariling konklusyon na bunga ng isang totoong pangyayari sa buhay ng mga magsasaka. Konkusyon na magsisilbing daan sa realisasyon sa takbo ng pamahalaan. Totoong mahalaga ang teknolohiya sa eleksyon na dapat sana naming ibahagi, ngunit ito ay napalitan ng mas malamim at mas importanteng isyu- ang ukol sa karapatan sa lupa na patuloy at dapat na pinaglalaban.

0
Your rating: None